Pagkakaibigan

   


      Sa una kong blog, napag-usapan natin ang tungkol sa pang-abay, wastong salita, at pang-angkop. Ngayon namang ikalawang blog ko na, ibabahagi ko naman ang mga kaalaman ko tungkol sa pagkakaibigan.

       Alam kong pamilyar na sa karamihan ang salitang kaibigan. Kung hindi niyo man alam kung ano ito, sasabihin ko sa inyo ang depinisyon nito. Ang kaibigan ay isang uri ng tao na maaari mong hilingan ng tulong sa oras ng pangangailangan.

       BIRO LANG~! Tama naman ang nakapahayag ngunit ang sa akin lamang, magpahinga muna tayo sa mga depinisyong halata namang 'copy-paste' lang galing sa Google. Sigurado naman kasi ako na may kanya-kanya tayong kahulugan na ibinibigay sa salitang iyan dahil na rin siguro sa pagkakaiba ng mga trip natin sa buhay. (Walang basagan ng trip, pare!)  Dahil nga iba-iba nga naman talaga ang mga trip natinmay sarili rin akong depinisyon ng kaibigan.

       Para sa akin, ang isang kaibigan ay sinuman na nakakaunawa sa iyo o kahit hindi ka man talaga niya naiintindihan, hindi pa rin siya magsasawang sumubok na umunawa sa iyo. Siya rin ay mapagkakatiwalaan mo sa mga bagay bagay at siya rin ay nakakasama mo sa oras ng kasiyahan, kalungkutan at kahit nga sa oras ng ka-dramahan mo sa buhay.

      Sa kabilang banda naman, ang pagkakaibigan ay tumutukoy sa relasyon o samahang nabuo ninyo ng iyong kaibigan o mga kaibigan. Hindi man ito madaling mabuwag, hindi rin naman ito madaling panatilihing matatag. 

      Sa isang pagkakaibigan kasi, kailangan ng pag-uunawa, pagtitiwala, pagpapasensya at pagiging kuntento sa isa't isa.

      Una, pagiging mapag-unawa sa isa't isa sa paraan na susubukan mong unawain ang pinagdadaanan niya at hindi siya basta basta lang iiwan sa panahon na siya ay nangangailangan ng suporta mula sa isang kaibigan. Ang kaibigan kasi ang isa sa mga karaniwang inaasahang makakaunawa sa'yo sa panahon ng problema. Sila kasi ang karaniwang iyong nakakasama sa saya man o sa kalungkutan kaya inaasahan na sila ang makakakilala sa'yo—sa totoong ikaw. Ngunit, tandaan palagi na ang pagiging mapag-unawa at pagiging kunsintidor ay magkaiba. Hindi ibig sabihin ng pagiging mapag-unawa na palagi mo nalang din uunawain ang kamalian ng 'yong kaibigan at hahayaan nalang din siya kahit alam mo na lumiliko na siya ng landas na pinatutunguhan. Kailangan mo rin kasi siyang gabayan sa kung ano talaga ang tama.

      Pangalawa, pagtitiwala sa paraan na bukas ka sa kanya sa iyong mga problema at nagtitiwala ka na kahit na kung sakali mang hindi ka niya matutulungan sa iyong suliranin na hinaharap, mapapagaan naman niya ang iyong kalooban sa pamamagitan ng pananatili sa iyong tabi habang kasalukuyan mo itong hinaharap. Ngunit, hindi rin naman ibig sabihin nito na pipilitin mo talagang sabihin niya ang kanyang sikreto sa iyo kahit na ayaw niya talaga, sa halip iparamdam mo nalang sa kanya na nandyan ka palagi para sa kanya upang magbigay ng tulong kung sakaling nangangailangan man siya.

        Panghuli, maging kuntento sa isa't isa. Kapag kasi hindi ka kuntento sa kaibigang meron ka, maghahanap at maghahanap ka ng iba na sa tingin mo ay makakalamang sa kanya. Maaari ka kasing mabulag ka ng kagustuhan mong makahanap ng iba na hindi mo mamamalayang unti-unti na ring lumuluwag ang pagkakakapit mo sa inyong samahang magkakaibigan. Hindi ko rin naman sinasabing hindi ka pwedeng kumaibigan ng iba, ang ipinapahayag ko lang ay huwag mong ibalewala ang mga pinagsamahan mo ng iyong kaibigan para lamang sa isang taong kakakilala pa lang naman kasi paano na lang kung yung bago mong kakilala hindi na naman umabot sa 'standards' mo? Ang resulta niyan ay maghahanap ka na naman ng iba, hindi na naman aabot sa 'standards' mo, maghahanap ng iba, hindi na naman aabot sa 'yong 'standards'. Paulit-ulit nalang ito na maaaring sa huli ay maiwan ka nalang maiwang mag-isa sa kadahilanang wala ka na talagang mahanap na magandang kaibigan dahil tumaas na rin masyado ang iyong 'standards' .

        Ang pagkakaibigan ay isa sa mga pinakamagandang regalo na maaaring ibigay ng Diyos sa mga tao. Ito ay isang natatanging kayaman na hindi kailanman mabibili sa kung saan lang. Kaya nga sana matuto tayong pahalagahan at alagaan ito habang meron pa tayo nito. Hindi rin naman kasi lahat ng bagay sa mundo ay tumatagal ngunit naniniwala naman ako na tatagal din 'to kung alam lang natin kung paano pahalagahan ang isang bagay na kasalukuyang meron tayo, pagkakaibigan. 




       Maraming salamat sa pagbabasa ng ikalawang blog ko! Ako nga po pala ulit si Jona Louise E. Valdehueza na nagsasabing, ang pagkakaibigan ay isang natatanging kayamanan na dapat pahalagahan upang maging pangmatagalan. Kitakits nalang sa susunod na blog!




Kung may imumungkahi kayo tungkol sa blog kong ito, mag-iwan lamang ng kumento sa ibaba o maaari niyo rin akong i-email via gmail sa louise.kayeee@gmail.com o kaya mag-tweet sa aking twitter account na @thatfankaye. 





I-click ang link na ito kung nais niyong bisitahin ang nauna kong blog tungkol sa Pang-abay, Wastong Salita, at Pang-angkop ⇨  uno-louise.blogspot.com






Comments